Ako’y Pinoy na Mayroong Sariling Wika


Written on August 23, 2008 – 10:24 PM | by rjmarmol
Post Page Rank

In observance of “Buwan ng Wika”, the following article was written entirely in Filipino and will take exception from my blog language policy.

Ikinalulungkot kong medyo huli na ang sanaysay na ito. Plinano kong isulat ito sa unang linggo ng Agosto ngunit sa dami ng mga pangyayaring dala ng BJE MOA, naisantabi ko ito at halos nawala na rin sa isip ko. Mabuti na lang at napaalala ito ng aking anak habang nag-eensayo kami para sa kanyang pagtula at pag-awit sa pampaaralang selebrasyon nila ng “Buwan ng Wika”.

Nakatutuwang isipin na malayo-layo na rin ang narating ng ating wika — simula ng magdeklara ng pambansang wika hanggang sa mga ipinatupad na pagbabago dito upang matugunan ang pangangailangan ng panahon. Ipinagmamalaki ko at ipinagbubunyi ang patuloy na pagiging “buhay” ng ating wika. Bagama’t laganap ang Ingles sa maraming babasahin, lalo na sa internet, marami pa rin akong napapansing aktibong gumagamit ng wikang Filipino. Maliban dito, ang pagiging “buhay” ng ating wika ay kapansin-pansin din sa patuloy na pagdagdag ng mga salita upang maiangkop ang ang ating wika sa kumbensyonal na Ingles. Ginagawa ito sapagkat maraming aklat at iba pang uri ng babasahin ang nakasulat sa Ingles at kailangan nating tugunan ito ng karapat-dapat at eksaktong pagsasalin sa Filipino. Sa ganitong paraan lamang natin masisiguro na hindi tayo malilimitahan pagdating sa pagpapalawig ng ating kaalaman.

Marahil marami rin ang naniniwala na may aspeto ng ating wika na nanganganib sapagkat ang bagong henerasyon ay hindi na gaanong nakikipagtalastasan sa purong Filipino. Marami sa kanila ay namulat at nasanay na sa pagta-Taglish o ang pagsasalita ng halong Filipino at Ingles. Kung ako ang tatanungin, wala akong nakikitang dapat na ikapangamba pagdating sa isyung ito. Sapagkat kung hihimayin natin, ang katotohanan ay ganito: ano man ang sabihin o paniwalaan ng iba, ang wikang Filipino ay isang malalim at di-maipagkakailang integral na bahagi na ng pagiging Filipino. Sa aking paniniwala, anuman ang marating, saan man dalhin ng pagkakataon, ano mang wika ang kailanganing pag-aralan o gamitin bunsod ng pangangailangan, matibay ang pagtitiwala ko sa di matatawarang pagmamahal ng isang Filipino sa kanyang sariling wika. Maliban dito, naniniwala rin ako na matagal ka mang hindi makapagsalita ng Filipino — sa anumang kadahilanan, hindi kailanman malilimutan ang tamis at ligaya na dulot na salitang kumukumpleto o bumubuo sa iyong pagkatao.

Ikaw na Filipino na kasalukuyang nagbabasa nito, binabati kita ng maligayang “Buwan ng Wika”. Ipagbunyi natin ang wikang Filipino at ang lahing sinasagisag nito.

Ako’y isang Pinoy sa puso’t diwa. Ako’y Pinoy na mayroong sariling wika. At, oo — ikaw rin.

* * *

Ang sumusunod na bidyo ay alay namin ng aking anak para sa buwan ng wika. Ipagpaumahin ninyo ang pag-i-Ingles. Ang aking anak ay baylingwal. Sa Ingles sya nagsasalita kapag nasa loob ng bahay at Filipino naman paglabas ng pinto. Ito ay dahil mas madaling natututo ang mga batang higit sa isang wika ang alam gamitin. Isa itong istratehiya sa pagtuturo at hindi dahil sa mas pinapaboran namin ang Ingles — isang paglilinaw lamang para sa mga nagtataka. Ikinalulugod ko rin na sa murang edad nya ng tatlo ay batid na niya ang kahalagahan ng sariling wika at madalas rin nyang sabihin na mas gusto nya  ang wikang Filipino.

Similar Posts:


Liked this post? Share it! bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark bookmark

If you enjoyed this post, make sure you subscribe to my RSS feed!

Tags: , , , , , ,



You must be logged in to post a comment.